Kampo ni Erap, 'di sumipot sa turnover ceremony sa Manila City Hall

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 02:58 PM | Updated as of Jun 28 2019 03:26 PM

MANILA - Hindi natuloy ang turnover ceremony ng mga mahahalagang dokumento ng Manila City Government, Biyernes, matapos hindi sumipot ang kampo ni dating pangulo at outgoing Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada.

Ayon kay Incoming City Administrator Felix Espiritu, dapat ay mayroong nangyaring pormal na turnover ng mga dokumento para hindi magkaroon ng problema sa accounting ng mga ari-arian ng lungsod.

"They should make a formal turnover," ani Espiritu.

"How can we be accountable to the properties if hindi matu-turn over formally?" dagdag niya.

Ayon sa transistion team ni incoming Manila Mayor Isko Moreno, naglabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng kautusan na nag-oobliga sa lahat ng mga lider ng lokal na pamahalaan na lumikha ng transition teams.

Sa ilalim ng DILG Memorandum Circular No. 2019-39, mandato ng mga nasabing transition team na siguruhin at ipreserba ang lahat ng mga opisyal na dokumento, at transaction record ng gobyerno.

"Non-compliance to the provisions of this Memorandum Circular shall be dealt with in accordance with applicable laws and other pertinent issuances," sabi ni Leah Peralta, officer in charge ng DILG sa lungsod ng Maynila.

Sinabi ni Peralta na ipapaalam na lang nila sa DILG main office ang kawalan ng turnover ng mga dokumento sa Maynila.

Hindi pa malinaw kung ano ang ipapataw na parusa sa mga opisyal na lalabag sa naturang kautusan ng DILG.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.