Dating barangay chairman, patay sa pamamaril sa Bohol

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 06:54 PM

BOHOL—Dalawa ang patay, kabilang ang isang dating barangay chairman, sa pamamaril Biyernes ng umaga sa isla ng Jagoliao sa bayan ng Getafe.

Nakilala ang mga nasawi na sina Alejandro Albano at Junrey Boc.

Ayon sa mga awtoridad, 20 lalaki ang pumasok sa bahay ni Albano, kung saan nandoon ang mga biktima, at pinagbabaril ang mga ito.

Tumakas ang hindi pa nakikilalang mga salarin gamit ang isang pumpboat, ayon sa pulisya.

Sa resulta ng autopsy, naitalang nagtamo ng maraming tama ng bala ang mga biktima.

Ayon sa mga awtoridad, dating barangay captain si Albano ng isla at may posibilidad na may kinalaman sa ilegal na droga ang pagkasawi nito.

Matagal na raw minamanmanan ang biktima, ayon sa pulisya.

Tinutugis na ng mga awtoridad ang mga salarin. —Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.