Bantang kulong ni Duterte sa maghahain ng impeachment binatikos

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 07:24 PM

Watch more in iWantTFC
    
Binatikos ng ilang mambabatas at eksperto ang banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaaaresto niya ang sino mang magtatangkang ipa-impeach siya dahil sa kaniyang umano'y paglabag sa Saligang Batas.

"I-impeach ako? Kulungin ko silang lahat. Subukan niyo... You try to impeach me, do that. And I will tell you. Subukan ninyo. I am challenging you to do it... Tingnan mo kung saan ka lang," sabi ng Pangulo. 

Tugon niya ito sa mga kritikong nagsasabing impeachable offense ang pagpayag niya sa pangingisda ng mga Chinese sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. 

Watch more in iWantTFC

Sabi ni Ateneo School of Government Professor Lutgardo Barbo, karapatan ng sinumang Pilipino na maghain ng impeachment complaint. Gayumpaman, naniniwala ang propesor na biro lang ang sinabi ni Duterte. 

"I don't think he means that. He's a lawyer. Ang pagpa-file ng complaint is both, for me, a constitutional right of every Filipino citizen and a moral obligation," sabi niya. 

Pero kung seryoso ang banta, sinabi ni Barbo na kailangang may arrest warrant order muna ang korte bago magpaaresto. 

Sinegundahan ito ni Maria Soledad Mawis, ang dekano ng Lyceum College of Law.

"May proseso 'yan, idedemanda ka, magpa-file [dapat ng kaso] ang Pangulo kung talagang magdedemanda... I'm sure alam ng Pangulo na may prosesong pagdadaanan," ani Mawis. 

Pero para kay Act Teacher party-list Rep. Antonio Tinio, hindi malabong gawin ni Duterte ang kaniyang banta. 

Tingin din ni Tinio, alam ng Pangulo na nilalabag niya ang Konstitusyon sa pagpayag sa mga Tsinong mangisda sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

"Siguro kasi, guilty eh... Ibig sabihin he probably knows he made certain statements and admission that are clearly unconstitutional," sabi ng mambabatas. 

Pero tingin ni Sen. Panfilo Lacson, alam ni Duterte na hindi niya ito puwedeng gawin.

"The President knows he can't do it and we know he won't do it," sabi ni Lacson. 

Giniit naman ni Sen. Francis Pangilinan na hindi krimen ang magpa-impeach ng Pangulo kaya walang basehan ang bantang pagpapakulong ni Duterte.

"Impeaching a president is not a crime," sabi ng opposition senator. 

—Ulat nina Sherrie Ann Torres at Pia Gutierrez, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.