Anak ng pinaslang na ‘Sagay 9’ lawyer inspirasyon ang ama sa pagtatapos

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 06:01 PM

Plano ni Gabrielle Thea Ramos na maging barrio doctor sa layuning mapagpatuloy ang legasiya ng kaniyang ama. Photo Courtesy: Gabrielle Thea Ramos

MIAG-AO, ILOILO—Nag-viral ang kuwento ng isang graduate sa University of the Philippines-Visayas nang isalaysay sa Facebook ang hirap na dinanas niya matapos mapaslang ang kaniyang ama na human rights lawyer.

Nais sana ni Gabrielle Thea Ramos na makapiling ang kaniyang ama na si Benjamin — na tumayong abogado ng 9 na sugarcane workers na pinaslang sa Negros Occidental — sa kaniyang pagtatapos ng kursong Biology.

Ngunit noong Nobyembre 2018, binaril ng mga armadong lalaki si Benjamin habang nakatayo sa isang tindahan sa Sagay. Nangyari ang pamamaril sa gitna ng imbestigasyon sa pagpaslang sa sugarcane workers.

"I did not know what to feel at that moment. What they did to my father was ruthless. It was a terrible death," aniya sa kaniyang Facebook post, na umani ng 10,000 likes at 1,600 shares.

(Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko noong panahon na iyon. Walang-awa nilang pinatay ang aking ama.)

 

Aminado si Ramos na matinding takot ang kaniyang nadama sa pagpaslang sa kaniyang ama. Natakot din umanong bumalik sa pag-aaral si Ramos sa maaaring banta sa buhay ng kaniyang pamilya.

Mahirap man makabangon matapos ang madugong insidente, nagpursige si Ramos para makatapos sa kolehiyo sa kabila ng sinapit ng kaniyang pamilya.

Nagpursige si Ramos at tinapos ang kaniyang mga requirements sa harap ng mga pagsubok at nakapagtapos na ng kolehiyo.

Sa kaniyang Facebook post, nagbigay siya ng pasasalamat sa kaniyang ama, na tumayong inspirasyon sa kaniyang pagpasok sa State U.

Ang tatay niya umano ang nagtulak sa kaniya na manilbihan sa masa.

"Thank you so much for convincing me to go to UP. You have always been, and always will be my inspiration. I will continue your fight. I will forever be thankful to God for giving me a father like you. I love you forever," aniya sa kaniyang post.

(Salamat na kinumbinse mo akong pumasok sa UP. Ikaw lagi ang nagsilbing inspirasyon ko. Ipagpapatuloy ko ang laban mo. Nagpapasalamat ako sa Panginoon na ikaw ang tatay ko. Mahal kita.)

Lagi umano sa kaniya sinasabi ng kaniyang ama na tulungan ang mga mahihirap at mga hindi pinalad kaya plano ni Ramos na magsilbing doktor sa mga barrio para mas mapaabot ang tulong medical sa mga nangangailangan.

Ito na rin aniya ang kaniyang pagpapatuloy ng legasiya ng kaniyang ama.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.