ALAMIN: Libreng sakay sa tren, terminal fee para sa mga estudyante

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 03:32 PM

MAYNILA — Makatitipid na ang mga estudyante na sumasakay ng MRT-3, LRT-2, at PNR simula Lunes, Hulyo 1, dahil libre na ang kanilang pasahe sa mga piling oras.

Simula naman Hulyo 16 ay libre na ang terminal fee ng mga estudyante sa ilang pantalan, at sa Agosto 1 ay libre na rin ang terminal fee nila sa ilang paliparan.

Noong Huwebes ay inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na epektibo na sa pagpasok ng Hulyo ang "Student Free Ride Program," kung saan wala nang babayaran ang mga estudyanteng sasakay sa 3 nabanggit na railway systems mula Lunes hanggang Biyernes, maliban sa holidays.

Narito ang mga oras kung kailan libre ang pasahe:

MRT-3
• 5 a.m. - 6:30 a.m.
• 3 p.m. - 4:30 p.m.

LRT-2
• 4:30 a.m. - 6 a.m.
• 3 p.m. - 4:30 p.m.

PNR
• 5 a.m. - 6 a.m.
• 3 p.m. - 4 p.m.

Pasok sa programa ang mga mag-aaral mula preschool hanggang kolehiyo (undergraduate lamang), gayundin ang mga nasa trade, arts, technical, at vocational schools.

Simula sa Lunes ay kailangan lamang ipakita ng estudyante ang kaniyang valid school ID para maka-avail ng libreng pamasahe.

Pero sa mga susunod na araw ay paplantsahin ng DOTR ang mas mabusising aplikasyon sa programa, na maaari umanong gawin online o sa Malasakit Help Desk sa mga istasyon ng tren.

Samantala, simula naman Hulyo 16, libre na rin ang terminal fee sa mga pantalang pag-aari at pinangangasiwaan ng Philippine Ports Authority.

Wala na ring babayarang terminal fee simula Agosto 1 ang mga estudyante sa mga paliparang pag-aari at pinangangasiwaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Hindi kasama dito ang Ninoy Aquino International Airport, Mactan-Cebu International Airport, at Clark International Airport dahil hindi sila saklaw ng CAAP.

—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.