2 dayuhan sa Cebu hinahanap dahil sa pag-aamok

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2019 08:09 PM | Updated as of Jun 28 2019 09:34 PM

Watch more in iWantTFC

Pinaghahanap ngayon ang dalawang lalaking dayuhan na nakuhanan ng video na nagwawala at nagka-counterflow sa Lapu-Lapu City sa Cebu. 

Sa cellphone video na nakuhanan nitong Huwebes ng madaling araw, makikita ang puting sasakyan na pagmamay-ari umano ng dalawang dayuhan na nagka-counterflow sa one way lane sa harap ng isang establisimyento. 

Pumarada sila sa gilid ng kalsada, at bumaba ang dalawang lalaki na nagmamadaling maglakad patungo sa isang fast food chain sa lugar. 
Tila wala pang damit pang-itaas ang isa sa kanila. 

Makalipas nito, maririnig na ang pagsigaw ng dalawang dayuhan sa mga security guard ng fast food chain. Maririnig din ang pagbalibag ng ilang kagamitan. 

Pagkatapos nito, bumalik na sa sasakyan ang dalawang lalaki. Kumanan ang kotse at muntik pang makasagasa ng isang commuter. 

Ayon sa security guard, nakaaway umano ng dayuhan ang isa sa mga kostumer ng fastfood chain. 

May mga itinapon pa raw na pagkain ang dalawang dayuhan. Hinala ng guwardiya na nakainom ang dalawa. 

Hindi rin nakuha ang plate number ng ginamit nilang sasakyan. 

Nakatakdang kasuhan ng alarm and scandal ang mga dayuhan pag nahuli na sila ng pulisya. 

-- Ulat ni Leleth Rumaguera, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.