Tanod kritikal sa pamamaril sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 09:10 PM | Updated as of Jul 15 2019 03:26 PM

Watch more in iWantTFC

Kritikal ang lagay ng isang barangay tanod matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Tondo, Maynila nitong umaga ng Huwebes.

Kinilala ang biktima bilang si Ramil Cortez, na binaril ng dalawang beses sa ulo ng lalaking lulan ng motorsiklo habang nasa labas ng isang paaralan sa Barangay 163.

Ayon sa ama ng biktimang si Edwardo, posibleng isa sa mga nakaalitan ng kaniyang anak ang nagtangkang magpatumba sa kaniya. "Marami siyang kagalit," ani Edwardo.

Mabilis na nakatakas ang salarin papunta sa direksiyon ng Solis Street.

Nadamay sa insidente ang isang babae matapos tamaan ng ligaw na bala.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng kalibre .45 na baril.

Naging aktibo si Cortez sa paghuli sa mga tulak ng droga sa kanilang lugar, ayon sa barangay chairman na si Lourdes Gutierrez.

Posible umanong binabalikan sila ng mga nahuling tulak.

"This is what we get for fighting drugs," ani Gutierrez.

Nanindigan ang barangay na hindi sila magpapatinag at patuloy na makikipagtulungan sa pulis para masawata ang mga nagpapalaganap ng droga sa kanilang lugar.

"Sinasabi niyo hindi namin kayo kaya, hindi niyo rin kami kaya," sabi ni Gutierrez.

Hiling ng pamilya ng biktima ang kaniyang paggaling at ang paghuli ng mga awtoridad sa gumawa ng krimen.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.