Suspek sa panggagahasa, patay nang umano'y nanlaban sa presinto sa Davao

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 03:33 PM

DAVAO CITY - Patay ang isang suspek sa panggagahasa matapos umano itong manlaban sa loob ng isang himpilan ng pulis dito sa lungsod, Huwebes.

Ayon sa mga pulis sa Talomo Police Station, inihahanda ng fingerprint technician na si PO1 Nierca Mutia Ambong ang ilang gamit upang mai-book ang 35-anyos na suspek na si James Narte nang bigla umano nitong hablutin ang baril ng jailguard na si PO1 Kathleen Pelino.

Nag-agawan sa baril sina Narte at Pelino kaya't pumutok ito at tumama sa kisame at pintuan ng himpilan, dagdag ng mga pulis.

Matapos marinig ang sunod-sunod na pagputok ay rumesponde si SPO3 Danilo Daquigan at binaril si Narte.

Agad na isinugod sa ospital si Narte pero idineklarang dead on arrival na.

Si Narte ay ang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang 16-anyos na dalagita.

Pinag-iisipan pa ng pamilya ng suspek kung magsasampa sila ng kaso laban sa pulis na nakapatay sa kanilang kaanak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.