Pope's Day, ipinagdiwang sa Manila Cathedral

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 09:02 PM

Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Gabriele Giordano Caccia ang misa para sa pagdiwang ng archdiocesan Pope’s Day sa Manila Cathedral Huwebes ng gabi. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA—Pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Gabriele Giordano Caccia ang misa para sa pagdiwang ng archdiocesan Pope’s Day sa Manila Cathedral Huwebes ng gabi.

Nasa Europa ngayon si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para sumama sa consistory sa Vatican City kung saan pipiliin ni Pope Francis ang 14 na bagong kardinal ng Simbahang Katolika.

Pinagdiriwang din ang Solemnity of Saints Peter and Paul na tinaguriang mga nagtatag ng Iglesiyang Kristiyano.

Kasabay ng Pope’s Day, binuksan din para sa public veneration sa Manila Cathedral ang mga reliko ng mga dating santo papa na sina St. John XXIII at St. John Paul II na sabay ginawang santo noong 2014.

Dumalo sa misa ang ilang miyembro ng diplomatic corps at si Pastor “Boy” Saycon, na kamakailan ay isinama sa komite ng mga kinatawan ng Malacañang na makikipagdayalogo sa mga lider ng Simbahan at religious groups.

Ito'y matapos ang komento ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa Diyos.

Inanyayahan din si Duterte na dumalo sa misa pero hindi dumating. Siya ay dumalo ika-25 convention ng Vice Mayors' League of the Philippines sa Bohol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.