Paaralan sa Quezon City, naaktuhang nagbebenta ng junk food, walang sanitary permit

Angel Movido, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 06:21 PM

MANILA - Pagmumultahin ng lokal na pamahalaan ang isang pampublikong paaralan sa Quezon City matapos mahuli ng mga awtoridad na wala itong sanitary permit at nagbebenta ng junk food at matatamis na inumin sa kanilang mga canteen.

Sa inspeksyon na isinagawa ng Quezon City Health Office Huwebes, 
nakita na nagbebenta ng mga junk food, burger, at matatamis na juice ang Pasong Tamo Elementary School.

Nasita rin ang pag-recycle o pag-ulit ng mga plastic containers na ginawang lagayan pa ng spaghetti.

Marumi rin ang canteen dahil walang lababo at magkakatabi ang mga pagkain at gamit pang eskwelahan, at may mga pagkain din na halos nakalapag na sa sahig, ani Dr. Verdades Peña Linga, City Health Officer ng Quezon City.

"Malaki ang posibilidad ng kontaminasyon na maaaring makapag-dulot ng food poisoning sa mga bata," sabi ni Peña Linga

Nasita rin ang paaralan dahil sa paggamit ng styrofoam na ipinagbabawal sa lungsod.

Ipatatawag sa hearing sa City Hall ang principal ng Pasong Tamo Elementary School matapos mapag-alaman ang sunod-sunod na paglabag ng paaralan sa mga lokal na ordinansa.

Batay sa Quezon City Anti-Junk Food and Sugary Drinks Ordinance of 2017, ipinagbabawal sa lahat ng pribado at pampublikong elementary at high school ang pagbebenta ng junk foods, mga processed food, at matatamis na inumin.

Sa ilalim ng naturang batas, maaaring pagmultahin ang paaralan ng P1,000 dahil sa mga paglabag nito sa ilang probisyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.