Nais ng DOLE: P200 buwanang ayuda sa kumikita ng minimum wage

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 10:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inirekomenda ng Department of Labor and Employment (DOLE) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang P200 kada buwang subsidy para sa mga manggagawang sumasahod ng minimum wage, sinabi nitong Huwebes ng kalihim ng ahensiya.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, balak nilang ibigay ang pang-isang taong subsidy nang buo, na aabot sa P2,400 sa unang taon.

"Para maramdaman nila 'yong epekto ng ating cash subsidy, it will be given on an annual basis," sabi sa panayam ni Bello.

Sa panukala ng DOLE, P200 kada buwan ang maaaring subsidy sa unang taon, P300 sa susunod na taon, at P400 sa ikatlong taon.

Aabot sa P10,800 ang kabuuang makukuha ng mga manggagawa sa loob ng tatlong taon.

Nakikita ang subsidy bilang solusyon para makaagapay ang mga empleyado sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Inamin ni Bello na kailangan pang hanapan ng pondo ang subsidy.

Sa taya ng DOLE, 4.1 milyon ang kabuuang bilang mga minimum wage worker sa bansa.

Ayon naman sa Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), kulang pa rin ang subsidy kumpara sa nauna nilang hiniling na subsidy na P500 kada buwan.

"Ang panawagan pa rin ay wage increase," ani TUCP vice president Luis Manuel Corral.

Pansamantalang solusyon din lang daw ang subsidy kaya isusulong pa rin nila ang P320 nationwide wage hike petition na inihain ng grupo sa wage board.

Binanatan din ng grupo ang mga economic manager na palpak umano sa pagresolba sa kahirapan at inflation o pagtaas ng mga bilihin.

"Huwag na nating ituloy muna 'yong TRAIN 2. Tinamaan na kami ng TRAIN 1," ani Corral.

Nilinaw naman ni Bello na hindi maapektuhan ng subsidy ang mga pagdinig sa wage hike.

Hindi rin umano kaya ng pamahalaan ang hinihinging P500 subsidy.

Hindi naman kumbinsido ang ilang manggagawa na mararamdaman nila ang subsidy kahit ibigay ito ng buo, gaya ng pahinanteng si Jabar Samson.

"Siguro pambayad lang talaga o pangrenta ng bahay tapos sa isang buwan pa lang 'yon, tapos susunod na buwan, balik na naman sa dati. Paikot-ikot lang," ani Samson.

Sa ngayon, hinihintay pa ng DOLE kung aaprubahan ni Duterte ang panukala.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.