Batang babae, natagpuang patay sa Misamis Oriental

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 05:58 PM

Sa masukal na lugar na ito sa Barangay Cogon sa bayan ng Gitagum, Misamis Oriental, nakita ang bangkay ng 5-taong gulang na babae. Ayon sa pulisya, posible ring ginahasa ang biktima. Larawan mula sa Gitagum Municipal Police Station

12-anyos na lalaki, suspek umano sa krimen

GITAGUM, Misamis Oriental—Patay na nang matagpuan ang 5-taong gulang na babae sa masukal na bahagi ng niyugan sa Barangay Cogon sa bayang ito, Huwebes ng madaling araw.

Miyerkoles pa ng hapon pinaghahanap ang biktima matapos na hindi ito nakauwi galing sa eskuwela.

Ayon sa mga pulis, sinakal ang biktima kaya ito namatay at may indikasyon rin na hinalay ito.

"Ang dahilan ng pagkamatay niya asphyxia dahil sinakal ang bata as evidence 'yung bruises sa leeg niya kaya sabi ng SOCO [Scene of the Crime Operatives] nabali ang kaniyang vertebral bone. Per conduct of physical examination, may nakitang fresh vaginal laceration so possibly may rape na nangyari," paliwanag ni SPO4 Jeanny Arances Relevo, deputy chief ng Gitagum Police.

Walang ibang suspek ang pamilya ng biktima kundi ang huling kasama nito na isang 12-anyos na lalaki.

May mga kapitbahay umanong nakakita na magkasama ang 2 na pumunta sa manggahan para mamitas ng prutas.

"Wala kaming ibang suspek talagang siya lang," sabi ng lola ng biktima.

Nasa kustodiya na ngayon ng mga pulis ang 12-anyos na bata. Dagdag pa ng mga pulis na itinanggi ng binatilyo na pinatay niya ang biktima dahil kumain lang umano sila ng mangga at umuwi.

Ibinigay na sa pangangalaga muna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang batang lalaki habang patuloy na iniimbestigahan ang krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.