4 sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa Davao City

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2018 09:46 AM

Dumiretso sa ilalim ng nakaparadang truck ang motorsiklo ni Roque Gabaton at kasama nitong hindi pa nakikilala nang maaksidente sa KM. 13 sa Panacan, Davao City. Hinala ng awtoridad na nakainom ang dalawa na agad din dinala sa pagamutan.

DAVAO City – Apat katao ang sugatan sa magkakahiwalay na aksidenteng naitala sa lungsod na ito.

Huwebes ng madaling araw nang maaksidente ang Japanese national na si Horiuchi Sheginubo nang bumangga ang kaniyang kotse sa likod ng trailer truck sa Lanang.

Wasak na wasak ang harapan ng kotse ni Sheginubo at nabasag din ang salamin.

Agad na ginamot ng 911 medical team si Sheginubo na nagtamo ng sugat sa mukha.

Ayon sa pulisya, nakatulog umano siya dahil hindi ito naka-preno bago ito nabangga sa likod ng truck.

Miyerkoles ng gabi naman nang magbanggaan ang 2 pampasaherong sasakyan sa F. Inigo Street at San Pedro Street kung saan nagtamo ng sugat ang multicab driver na si Jimuel Colinares.

Ligtas naman ang kaniyang mga pasahero.

Mabilis umano ang takbo ng pampasaherong jeep na minamaneho ni Charlie Pagente at naabutan nito ang multicab na tumatawid ng San Pedro Street.

Sa lakas ng pagkakabangga ay natumba ang multicab at nayupi ang kanang bahagi ng sasakyang nabangga ng jeep. Nasira rin ang kaliwang bahagi ng jeep.

Samantala sa KM. 13, Panacan naman naaksidente si Roque Gabaton at kasama nitong hindi pa nakikilala, Miyerkoles rin ng gabi.

Ayon sa mga nakakita sa aksidente, iniwasan umano ng driver ang isang aso na tumawid sa kalsada. Pero dahil mabilis ang kanilang patakbo sa motorsiklo, nawalan ng kontrol ang driver at natumba sila. Dumiretso naman sila sa ilalim ng nakaparada truck sa gilid ng kalsada.

Pinaniniwalaang nakainom ang dalawa na kasalukuyang ginagamot sa ospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.