Tricycle driver sugatan nang sumalpok sa taxi sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 10:58 AM

MAYNILA - Sugatan ang isang lalaki matapos sumalpok ang kanyang minamanehong tricycle sa isang taxi sa Rizal Avenue, Barangay 374, Sta. Cruz, Miyerkoles ng madaling araw.

Kinilala ang tricycle driver na si Eugenio Aledanio, na nawalan pa ng malay matapos tumama ang ulo nito sa salamin ng nabanggang taxi. Sa lakas ng pagsalpok, basag ang salamin ng taxi.

Ayon naman sa isang saksi, liliko sana sa U-turn sa may Abad Santos LRT station ang taxi nang salpukin ito ng aniya'y humahagibis na tricycle.

Agad isinugod sa ospital ang tricycle driver habang dinala muna sa Manila Police District Station 3 ang drayber ng taxi na kinilalang si Romeo Sales.