'Transylvania-themed' blood donation drive sa Pangasinan, dinagsa

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 12:26 PM

BINALONAN, Pangasinan - Dumagsa ang mga nagbigay ng dugo sa mga "bampira" sa "Transylvania-inspired" blood donation drive ng bayan, Miyerkoles.

Muling isinuot ng mga lokal na opisyal ang kani-kanilang mga kapa at pekeng pangil upang magpanggap na mga bampira habang kinukumusta ang mga dumayo upang magbigay ng dugo sa bloodletting program ng lokal na pamahalaan.

Maging ang ilang empleyado ng Philippine Red Cross na inatasang mangasiwa sa pagkuha ng dugo ay pinagsuot ng mga itim na pang-itaas at nilagyan ng make-up na swak sa tema ng programa.

Matatandaang naging viral sa social media ang ginawang video ng mga lokal na opisyal na nag-iimbita ng mga taong gustong magbigay ng dugo para sa Red Cross.

Ayon sa Red Cross Pangasinan Chapter, target nilang makalikom ng 4,000 na bag ng dugo upang tugunan ang pangangailangan ng Urdaneta branch na hindi bababa sa 100 bags ng dugo kada araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.