Teenager na 'sextortionist' kalaboso

Abner Mercado, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 01:16 PM | Updated as of Jun 28 2017 04:04 PM

Inaresto ang isang 19-anyos na lalaki matapos ireklamo ng sextortion ng kanyang dating kasintahang menor de edad sa Sampaloc, Maynila, Miyerkoles. 

Tinakot umano ng suspek na si Reonardo "Arbi" Berongan ang kanyang 16-anyos na dating nobya na ilalabas ang mga hubad na larawan nito kung tatangging makipagtalik, ayon kay Senior Insp. Pidencio Saballo. 

Nagbanta rin aniya si Berongan na ilalabas ang umano'y sex video nila ng dalagita na palihim niyang kinuha. 

Nadampot ang suspek sa entrapment operation na ikinasa ng Manila Police District station 4 sa bahagi ng España, Manila. 

Iginiit naman ni Berongan na may relasyon sila ng biktima at pareho nilang gusto ang magtalik, kahit pa tinakot niya ito. 

Nakatakdang kasuhan ang suspek ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act. 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.