Suspek sa Bulacan massacre, hawak na ng pulisya

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 06:56 AM | Updated as of Jul 04 2017 07:02 PM

MANILA - Naaresto ng mga pulis ang pangunahing suspek sa pagmasaker sa limang magkakaanak sa Barangay Sto. Cristo, San Jose del Monte, Bulacan. 

Alas-6 kagabi nang arestuhin ng mga tauhan ng San Jose del Monte Bulacan-PNP ang suspek na si Carmelino Ibañez, 26 anyos, at isang construction worker na nakatira sa parehong subdibisyon ng limang mga biktima.

Eksklusibong nakapanayam ng DZMM Radyo Patrol ang suspek. 

Aniya, kasabwat niya sina alyas "Tony" at "Inggo" sa pagpatay sa biktimang sina Estrella Carlos, kanyang ina na si Auring, at mga anak ni Estrella na edad 1, 7, at 11 sa loob ng kanilang bahay nitong Martes. 

Dagdag ni Ibañez, tumutuloy siya at mga kasabwat sa abandonadong bahay sa tabi ng tahanan ng mga biktima. 

Inamin din ni Ibañez na nag-inuman sila ng mga kasabwat at tumira ng shabu bago ang krimen. 

Hinalay rin aniya nila sina Auring at Estrella matapos mapatay ang mga ito. 

Ayon pa kay Ibañez, financier daw ang isang kasama niya at ang isa'y gumagawa ng motor. 

'Trip lang' 

Paliwanag pa niya, hindi nila pinlano ang krimen at 'trip-trip' lang ang nangyari dahil umano sa droga. 

Dinamay nila ang mga bata dahil kilala umano siya ng isa sa mga ito.

Sa huli, humingi ng tawad ang suspek sa mga naulila. 

Ayon naman sa San Jose del Monte PNP, malaking tulong sa kanila ang mga text na natanggap nila at ng pamilya na nagtuturo kay Ibañez. 
 
Pinag-aaralan na rin nila ang mga bakas ng dugo na nakita sa tinutuluyang bahay ng suspek.

Ayon sa pulisya, kabilang ang mga suspek sa mga umiigib ng tubig sa bahay ng mga biktima. May hawak na rin silang testigo sa kaso.

Bagamat arestado na ang pangunahing suspek, hindi pa isinasara ng Bulacan PNP ang imbestigasyon sa iba pang kasama ni Ibañez.
    
Malaking bagay umano ang magiging resulta ng eksaminasyon ng PNP-SOCO para matukoy kung ilan at kung sino-sino pa ang mga suspek.

Tinututukan na rin nila ang source ng droga ng mga suspek na umano'y sa Towerville sa San Jose. 

Sa ngayon, sumailalim na rin sa drug test at documentation ang suspek na si Ibañez.

45 beses sinaksak 

Natagpuan ng padre de pamilyang si Dexter Carlos Sr. ang bangkay ng kanyang pamilya nang umuwi siya mula sa trabaho. 

Nagtamo ng 45 saksak ang ina ng mga bata; 32 saksak ang sa biktimang si lola Auring; 15 saksak sa 11 anyos na si Donny.

Ang 7 taon at 1 gulang na sina Ella at baby Dexter ay nagtamo naman ng 19 at 5 saksak sa katawan.

Una nang sinabi ng mga imbestigador na tinitingnan nila ang panggagahasa bilang motibo sa krimen dahil natagpuang walang saplot ang ina at lola ng mga bata. 

Nag-alok sina San Jose del Monte Mayor Arthur Robes at Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado ng P200,000 na pabuya kapalit ng impormasyon ukol sa mga salarin. 

-- May ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News 

 

Editor's Note: Ang ama ng mag-anak na naging biktima ng krimen ay si Dexter Carlos Sr. 
Ang pangalan na unang lumabas sa ulat na ito ay Dexter Carlos Jr., na pangalan ng nasawing anak ni G. Carlos. 
Humihingi tayo ng paumanhin para sa pagkakamaling ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.