SAPUL SA CCTV: Pamamaril sa service crew ng burger stand

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 08:02 PM

Huli sa CCTV ang pamamaril sa service crew ng isang burger stand sa Santiago City Miyerkoles ng madaling araw.

Patay ang service crew ng isang burger stand sa Purok Dos, Barangay Rosario, Santiago City, Isabela matapos barilin ng hindi pa kilalang lalaki nitong Miyerkoles.

Bakas pa ang dugo ng service crew na si Rachel del Rosario, 26 anyos, sa loob ng burger stand.

Naka-duty ang biktima nang barilin umano ng hindi pa nakikilang gunman pasado ala una ng madaling araw.

Sa CCTV footage, makikita ang pagdating ng tatlong lalaki na magkakaangkas sa motorsiklo. Bumaba ang dalawa habang isa ang nagtakip ng hood ng kaniyang jacket saka bumunot ng baril. 

Dumiretso ang isang suspek sa gilid ng burger stand habang umikot ang kaniyang kasama. Ilang saglit lang, makikita na kumakaripas na ng takbo ang dalawa.

Naisugod ang biktima sa kalapit na ospital pero binawian din ng buhay habang ginagamot.

Ayon kay Insp. Jose Cabaddu, deputy commander ng Santiago City Police Station 2, nagtamo ng isang tama ng bala sa ulo ang biktima na malapitang binaril ng gunman.

Palaisipan pa ang motibo sa pagpatay, ayon sa pulisya.

“Sabi dun sa katabing establishment at yung kaibigan ng biktima, kahapon ay may nakaalitan ito,” ani Cabaddu.

Nagsisilbi ring ebidensiya ang isang basyo ng bala na narekober sa crime scene.

Patuloy ang imbestigasyon para maresolba ang ikapitong insidente ng pagpatay sa lungsod ngayong buwan lang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.