Rape, hinihinalang motibo sa masaker sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 04:11 PM | Updated as of Jul 04 2017 07:11 PM

Pitong tao na itinuturing bilang 'persons of interest' ang inimbitahan ng San Jose del Monte Bulacan-Philippine National Police (PNP) ngayong araw kaugnay ng pamamaslang sa isang ginang, isang lola, at tatlong bata noong Martes.

Panggagahasa naman ang kasalukuyang nakikitang motibo ng pulisya sa pagpatay sa mga biktima sa Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte, Bulacan.

Nag-alok na rin ng pabuya ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte sa sinumang makapagtuturo sa salarin.

Hiningan na ng pahayag ang mga inimbitahan ng pulisya upang magbigay-linaw sa kaso. Ilan sa kanila ang nangakong makikipagtulungan sa mga pulis, at ilan din ang pinauwi, pero nilinaw ng mga pulis na hindi pa sila maituturing na mga suspek. 

"'Yung mga persons of interest natin ay lahat ng may access sa pamilya. Ito ay puwedeng maging witness at puwede ring makatulong sa atin," ayon kay Supt. Fitz Macariola, hepe ng pulisya ng San Jose Del Monte, Bulacan.

Panggagahasa, maaaring motibo ng mga suspek

Hinihintay naman ngayon ng mga pulis ang resulta ng autopsy ng PNP Scene of the Crime Operatives sa mga labi ng biktimang sina Auring Dizon at anak nitong si Estrella Dizon, lalo pa't posibleng hinalay ang mga ito. 

Malaki ang posibilidad na panggagahasa ang motibo dahil nakahubad ang pang-ibabang kasuotan ng mag-ina, ayon kay Macariola. 

Wala rin umanong nawawalang ari-arian sa bahay ng mga biktima.

Naniniwala naman ang padre de pamilya na si Dexter Carlos na posibleng kilala ng mga biktima ang mga pumaslang sa kanila.

Hinala niya, ang mga lalaking nakikiigib ng tubig sa kanilang bahay ang pumatay sa kanyang pamilya.

"'Yung mga lalaking iyon, nakikita minsan, iba na tingin sa misis ko eh. Parang may pagnanasa na sila," ani Carlos.

Mensahe ni Carlos sa may kagagawan sa krimen, "Kung sinuman 'yung gumawa, hindi ka na tao. Dapat sa'yo bitayin din at patayin na rin. Wala kang awa. Kahit man lang 'yung baby 'yung pinatawad mo."

Pinapalagay din ng awtoridad na hindi bababa sa dalawang tao ang gumawa ng krimen.

P100,000 pabuya para sa makapagtuturo sa salarin 

Samantala, nag-anunsiyo ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte, Bulacan na maglalabas ito ng P100,000 pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa salarin.

Humingi naman ng tulong ang padre de pamilyang si Dexter Carlos Sr. para maiuwi sa probinsiya ang mga labi ng kanyang pamilya.

Sa ngayon, hindi pa nailalabas mula sa punerarya ang mga biktima, kaya nananawagan ng tulong si Carlos. 

Dadalhin sa Cagayan ang mga labi ng pamilya ni Carlos habang sa Mindoro naman ibibiyahe ang katawan ng kanyang biyenan.

Sa mga nais tumulong, maaaring makipag-ugnayan sa 0939-280- 9343.

-- Ulat nina Doland Castro at Fred Cipres, ABS-CBN News

 

Editor's Note: Ang ama ng mag-anak na naging biktima ng krimen ay si Dexter Carlos Sr. 
Ang pangalan na unang lumabas sa ulat na ito ay Dexter Carlos Jr., na pangalan ng nasawing anak ni G. Carlos. 
Humihingi tayo ng paumanhin para sa pagkakamaling ito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.