Pulisya, blangko pa rin sa motibo sa masaker sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 11:07 AM | Updated as of Jul 04 2017 07:14 PM

Blangko pa rin ang awtoridad sa motibo sa pamamaslang sa isang mag-anak sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Ayon sa pulisya, apat na lalaki at isang babae ang kanilang dinala sa headquarters para kuhanan ng salaysay.

Ang mga ito ay hindi umano itinuturing persons of interest o kaya ay mga suspek.

Sinabi ni SPO2 Daniel Ortega, wala pa silang itinuturing na pangunahing suspek sa ngayon dahil nahihirapan din silang mag-imbestiga. Kahit footprint ay walang nakita sa crime scene.

Martes nang matagpuan ni Dexter Carlos Sr. ang duguan bangkay ng kanyang asawa at tatlong anak at biyenan sa bahay nila.

Nahanap ni Carlos sa loob ng kuwarto sa itaas na palapag ng bahay ang mga anak niyang edad 1, 7 at 11.

Sa likurang bahagi naman ng bahay nakita ang misis niyang si Estrella Dizon, 35, habang sa sala nadiskubre ang biyenan na si Auring Dizon.

Lumalabas sa imbestigasyon na nagtamo ng 45 na saksak sa katawan si Estrella habang 32 naman ang tinamo ng ina niyang si Auring.

Sa mga bata naman, 14 na saksak ang natamo ng panganay na lalaki, 19 sa batang babae at lima naman sa isang taong gulang nilang kapatid.

Hinala din ng pulisya na hindi lamang iisa ang pumasok at pumatay na suspek sa mga biktima.

Tinitingnan din ng mga awtoridad ang angulong hinalay sina Estrella at Auring habang wala namang nawawalang gamit sa bahay ng mga biktima. Maging ang mga alagang panabong ni Dexter ay hindi kinuha.

Nauna nang sinabi ni Dexter na posibleng kilala ng mga biktima ang mga pumaslang sa kanila.

Dadalhin sa Cagayan ang mga labi ng pamilya ni Dexter habang sa Mindoro naman ibibyahe ang katawan ng kanyang biyenan.

 

Editor's Note: Ang ama ng mag-anak na naging biktima ng krimen ay si Dexter Carlos Sr. 
Ang pangalan na unang lumabas sa ulat na ito ay Dexter Carlos Jr., na pangalan ng nasawing anak ni G. Carlos. 
Humihingi tayo ng paumanhin para sa pagkakamaling ito. 

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.