P100k na pabuya, inalok kaugnay ng Bulacan massacre

Doland Castro, ABS-CBN News

Posted at Jun 29 2017 03:35 AM

BULACAN - Naglaan na ng P100,000 na pabuya ang lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte sa sinumang makapagtuturo sa mga salarin sa pagpatay sa limang miyembro ng pamilya dito nitong Martes.

May pitong persons of interest naman ang inimbitahan ng pulisya kaugnay ng krimen.

Hiningan ng statement ang ilan sa kanila para magbigay linaw sa kaso. 

Ilan naman sa mga persons of interest na ito ay nangakong makikipagtulungan sa mga pulis. 

Ilan na rin sa kanila ang pinauwi. 

Pero nilinaw ng mga pulis na hindi sila maituturing pa na mga suspek.

“Yung mga persons of interest natin ay lahat ng may access sa pamilya, ito ay pwedeng maging witness at pwede rin makatulong sa’tin,” Supt. Fitz Macariola, hepe ng san Jose del Monte Bulacan-Philippine National Police.

Sa imbestigasyon, lumalabas din na posibleng dalawa ang mga salarin kung pagbabatayan ang ginawang krimen. 

Ang likurang bahagi ng bahay ng mga biktima ay makikitang wasak itong door knob na tila pinuwersa at pinukpok pa ng salarin para sila makapasok sa loob ng bahay. 

Hinihinatay na lamang ng mga pulis ang resulta ng autopsy ng PNP-Scene of the Crime Operatives, lalo't may posibilidad na nahalay din umano ang lola ng mga bata na si Auring Dizon at nanay ng mga bata na si Estrella Dizon. 

“Ang motibo na nakikita natin ay ang panggagahasa ang pakay nila talaga sa mga biktima,” ani Macariola.

Naniniwala naman si Dexter Carlos, ang padre de pamilya ng mga biktima, na posibleng may alam ang ilang nakiki-igib at bumibili sa kanila ng tubig doon. 

“Yung mga lalaki na yun nakikita minsan iba na tingin sa misis ko eh parang may pagnanasa sila eh,” ani Carlos.

Sa ngayon, hindi pa rin nailalabas ng punerarya ang mga biktima. 

Kaya umapela na rin tulong si Dexter sa mga nais tumulong sa pamilya Carlos.

Sa mga nais tumulong, maaaring tumawag o mag-text sa 0939-280-9343.

Plano na rin umanong sagutin ng lokal na pamahalaan ang burol at pagpalibing ng mga biktima. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.