Manager ng sabungan, patay sa pamamaril sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 03:50 PM

MANILA - Patay ang isang manager ng sabungan matapos pagbabarilin ng dalawang 'di pa nakikilalang salarin sa Cabuyao, Laguna Miyerkoles. 

Nasawi habang nilalapatan ng lunas ang biktimang si Agustin Barrio, 49-anyos, residente ng Barangay Butong. 

Ayon sa pulisya, kakarating lang ni Barrio sa parking lot ng Cabuyao Coliseum sakay ng kanyang Mitsubishi Montero nang lapitan at pagbabarilin siya ng isa sa mga suspek. 

Bagama't nagtamo ng dalawang tama ng bala sa dibdib, nakipagpalitan pa ng putok ang biktima sa tumatakas na suspek. 

Sumakay ang gunman sa naghihintay na motorsiklong minamaneho ng kasabwat nito at tuluyang nakatakas. 

Naisugod naman si Barrio sa ospital subalit nasawi rin makaraan ang dalawang oras. 

Patuloy pa ang imbestigsyon ng mga pulis sa motibo ng pamamaslang. -- Ulat ni Ronilo Dagos

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.