'Family business': Isang mag-anak tiklo dahil sa ilegal na droga

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 10:56 AM | Updated as of Jun 28 2017 11:36 AM

MAYNILA - Sa kulungan ang bagsak ng isang pamilya na umano'y nasa likod ng bentahan ng ilegal na droga sa Barangay 59, lungsod ng Caloocan, matapos silang arestuhin Martes ng gabi.

Kinilala ang padre de pamilya na si Freddie de Guzman, 63; ang mga anak nitong sina Zaldy, 36, at Freddie Jr.,40; gayundin ang kinakasama niyang si Angelica Ingaran, 26.

Ayon kay Sr. Supt. Chito Bersaluna, Caloocan police chief, kilalang source ng droga sa lugar ang pamilya. Matagal na aniya itong negosyo ng padre de pamilya at pinasa na lang sa mga anak niya.

"Minamanmanan na natin 'yan. Mismong barangay na ang nagsumbong... Simula pa sa tatay napasa-pasa na 'yung kanilang negosyo [ng ilegal na droga]," aniya.

Aminado naman si Freddie Sr. na nagbebenta siya ng ilegal na droga at ipinapagamit pa niyang puwesto ang kanyang bahay sa mga parokyano sa halagang "bente-bente."

Itinanggi naman ng kinakasama ni Freddie Sr. na siya ay nagbebenta rin ng ilegal na droga pero aminado siyang gumagamit nito.

Samantala, sa hiwalay na operation sa parehong siyudad, nahuli sa buy-bust operation ang isa pang drug suspect na kinilalang Ricky Maghanoy.

Dalawang bulto ng hinihinalang shabu ang narekober ng pulisya mula kay Maghanoy. Tinatayang aabot sa P50,000 ang halaga ng mga ito.

Kakasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nahuling suspek sa Caloocan.