Binata, nasaksak sa rambulan sa Sta. Cruz, Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2017 03:49 PM

Isang binata ang nasaksak sa sagupaan ng dalawang grupo sa isang kalsada sa Brgy. 381, Zone 38, Sta. Cruz, Maynila, madaling araw ng Disyembre 10, 2016.

Sa CCTV ng barangay, makikitang nakatayo sa kanto ang mag-amang sina Jhayvee at Ephrem Agustin, habang sa di kalayuan ay paparating ang isang grupo kung saan kabilang ang 20 anyos na si Neil Yamson. 

Nagkausap pa ang dalawang kampo, ngunit makalipas lang ang ilang sandali, nauwi sa sapakan ang usapan.

Hinabol ng saksak ni Ephrem ang grupo. Nagpulasan naman sila paalis sa mag-ama. 

Matapos nito, makikita na sa video na tinitingnan ni Neil kung mayroon siyang tama. 

Wala namang kamalay-malay ang nanay ni Neil na si Kagawad Armi sa sinapit ng kanyang anak. Ayon sa kanya, hindi niya alam na umalis ito ng bahay nang walang paalam.

“December 9 ng gabi, maaga siyang natulog. Mga 9PM, dito siya nakahiga sa sofa."

“Hanggang sa may tumatawag na, kagawad nang kagawad. Narinig ko na lang, nasaksak na 'yung anak ko.”

Ano nga ba ang pinag-ugatan ng rambulan? Panoorin ang kuwento ni Neil sa Red Alert ngayong Miyerkoles pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.