PatrolPH

Truck tumagilid sa Nueva Vizcaya; 2 patay

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2022 09:50 PM

Nasawi ang driver at pahinante ng isang delivery truck matapos itong tumagilid sa Dupax del Sur, Nueva Vizcaya, Lunes ng umaga.

Sa imbestigasyon ng pulis, galing Manila ang truck na may kargang feeds at papunta sanang Isabela nang biglang mawalan ng kontrol habang binabaybay ang kurbadang bahagi ng national highway sa Barangay Gabut.

“Sharp curve po doon na medyo palusong po siya. While negotiating ‘yung sharp curve, na-lose control ‘yung driver, kasi sumayaw daw ‘yung sasakyan, tapos tumumba sa right side dahil na rin sa bigat ng karga niya,” sabi ng imbestigador na si Pol. SSgt. Leonie Ross Manangan.

Matapos tumagilid ay dumausdos pa ng ilang metro ang truck hanggang bumangga sa concrete barrier na nasa kabilang gilid ng kalsada.

Nayupi ang cowl ng truck kaya naipit ang driver na si Raymond Santos, 35, at pahinante na si Mark Anthony Juan, 23, na kapwa residente ng Burgos, Ramon, Isabela.

Ilang oras pa bago nakuha ng mga rescuer ang dalawa na agad isinugod sa ospital pero idineklara silang dead on arrival ng umasikasong doktor.

“Hindi sila naka-seatbelt kaya parang dun silang dalawa na sa ibaba, kumbaga nagkaipitan na sila doon. Hindi po sila makuha-kuha… kinailangan pa ng backhoe para mahila ‘yung truck,” ani Manangan.

Nahulog naman sa bangin ang mga kargang feeds ng truck.

Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.—Ulat ni Harris Julio

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.