MAYNILA — Namatay ang iba’t ibang uri ng isda gaya ng tilapia at samaral, at alimango sa Palico river na sakop ng Barangay Bungahan at San Diego sa Lian, Batangas.
Biyernes ng gabi nang umalingasaw ang amoy mula sa ilog kasunod ng pagkamatay ng mga isda.
Nagkulay itim din ang dating malinis na ilog at hanggang dagat ay naapektuhan.
Ipinagbawal na ni Mayor Joseph Pejie ang paliligo at pangingisda sa apektadong ilog at bahagi ng dagat.
Hinala ng mga residente, may itinapong kemikal ang isa sa mga pabrikang nakapaligid sa ilog.
Umaangal ngayon ang mga mangingisda dahil nawalan sila ng kabuhayan.
Kumuha na ng water sample ang taga-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at nag-iinspeksiyon na rin ang taga-Department of Environment and Natural Resources – Environmental Management Bureau sa mga pabrika sa paligid ng Palico river na nasa bayan ng Lian at Nasugbu para matukoy kung sino ang nagtapon ng kemikal sa ilog.
IBA PANG BALITA
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.