Nasa kustodiya ngayon ng Mexico Municipal Police sa Pampanga ang 75 indibidwal matapos silang mahuli sa akto na naglalaro ng tupada o ilegal na sabong sa Barangay Lagundi sa bayan ng Mexico, Linggo ng umaga.
Nakumpiska ang mga perang taya na nasa P52,000, mga gamit sa panabong at mga patay at buhay na manok panabong.
Bukod sa mga tumataya, huli pati mga nag-aalaga at handler ng mga manok.
"Ipinagbabawal po sa PD 1602 po yung illegal cockfighting na sinasabi, yung tupada, so pinapaigting naman po ng buong pamunuan ng PNP lalo na dito sa Region 3. Paulit-ulit po kaming nananawagan, seryoso po ang pamunuan ng PNP sa panghuhuli po natin dito sa illegal cockfighting o tupada or bularit na sinasabi, kaya't binabalaan po namin ang mga mahilig mag-illegal cockfighting diyan na sana maging leksyon na po ito na hindi po kayo sumasali sa mga illegal gambling para hindi po kayo mahuli kasi kung tayo naman po ay sumusunod sa batas, walang ganito, walang hulihan na mangyayari po," ani Police Lt. Col. Grace Naparato, hepe ng Mexico Police.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang PNP sa barangay para mahuli ang operator ng nasabing tupada habang pansamantalang nasa Mexico Municipal Gym ang 75 na nahuli na mahaharap sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling.
- ulat ni Gracie Rutao
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
criminality, gambling, tupada, illegal cockfight, Pampanga, Mexico, Tagalog news