PatrolPH

P1.2-M halaga ng marijuana nasabat sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2021 11:47 PM

Nasabat ng mga awtoridad ang milyong pisong halaga ng marijuana bricks sa Quezon, Isabela pasado alas-2 ng hapon, Linggo. 

Ayon sa Isabela Police Provincial Office, nakatanggap ng impormasyon ang Quezon Police Station mula sa Kalinga Police Provincial Office na may hinahabol ang kanilang mga pulis na isang kotse na hinihinalang may kargang ilegal na droga partikular ang marijuana. 

Una nang iniwasan ng nasabing sasakyan ang quarantine control point sa Barangay Romualdez, Rizal, Kalinga.

Agad naman naglagay ng checkpoint ang Quezon Police Station sa national highway ng Barangay Abut, pero iniwasan din ito ng sasakyan. 

Nagpatuloy ang hot pursuit operation ng magkakasanib pwersang operatiba ng Rizal Police Station, RMFB 1503 Mobile Company, Tabuk City Police, Regional Police Drug Enforcement Unit, PROCOR, Provincial Intelligence Unit, Kalinga Police Provincial Office, PECU KPPO, Kalinga 1st Provincial Mobile Force Company, PECU IPPO, Isabela 1st Provincial Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 2 at PDEA Isabela hanggang sa kanilang naharang ang sasakyan sa Barangay Alunan, Quezon.

Nang isiyasatin ang kotse sa tulong ng police service dog, nadiskubre sa trunk nito ang 10 marijuana bricks na nakabalot ng silicon plastic at tinatayang P1.2 million ang kabuuang halaga. 

Nakarekober din sa isang sling bag ang isang caliber .38 revolver na may 5 bala at pinaniniwalaang hindi lisensyadong baril.

Arestado ang apat na lalaking sakay ng kotse kung saan ang dalawa ay taga-Tondo, Manila, isa ay taga Caloocan City habang ang isa ay taga-San Mariano, Isabela. 

Inihahanda na ang mga reklamo laban sa mga suspek na kasalukuyang nakakulong sa Quezon Police Station.

- ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.