P150 milyong halaga ng umano'y smuggled car parts mula China nasabat sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2020 03:21 PM

Ayon sa mga awtoridad, nire-repack ang mga naturang car parts na galing Tsina para ipalabas na gawa ito ng mga car companies mula Japan. Handout

MAYNILA - Aabot sa P150 milyong halaga ng umano’y smuggled na car parts ang nasabat ng mga awtoridad sa auto parts shop sa Barangay Talipapa, Quezon City noong Biyernes. 

Hapon ng Biyernes nang salakayin ng mga kawani ng Bureau of Customs, National Bureau of Investigation, at Philippine Coast Guard ang Maxtro Marketing Corporation at Bestat Auto Parts Corp, ayon sa pahayag ng Customs na inilabas ngayong Sabado. 

Sa kanilang inspeksyon, natagpuan ang iba’t ibang spare parts, car accessories, truck parts, auto parts, at iba pang kagamitan. 

Ayon sa mga awtoridad, nire-repack ang mga naturang car parts na galing Tsina para ipalabas na gawa ito ng mga car companies mula Japan. 

“Repackaging inferior and substandard car parts and making them appear as Japanese brands is deceiving the Filipino buyers. During this time of the coronavirus 2019 (COVID-19) pandemic when finances are tight for many Filipinos, they should still be able to purchase items of equal value with their hard-earned money,” anang Customs sa pahayag.

Nanawagan ang Customs na mag-ingat ang publiko sa mga umano'y modus ng mga nananamantalang mga negosyante. 

Tinutugis na rin nila ang mga sangkot na negosyante.