PatrolPH

‘Kaunting pagtingin lang’: Nagprotestang jeepney drivers sa UP may apela kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2020 06:24 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Isa si Felipe Laurilla sa higit 100 jeepney driver na nagtipon sa loob ng University of the Philippines, Diliman campus, sa Quezon City para muling manawagan sa gobyernong payagan nang makabiyahe ang mga jeepney.

"Hinihingi namin sa Pangulo, kahit konting pagtingin man lang kasi walang wala na po kami eh. Iniraraos lang namin ang pang-araw-araw namin habambuhay,” ani Laurilla.

Tatlong buwan nang natigil ang hanapbuhay ng mga jeepney driver, ngayong sinuspende ng gobyerno ang kanilang pamamasada gawa ng COVID-19 pandemic.

Daing ng mga driver, kumakalam na ang sikmura ng kanilang mga pamilya kaya hanggang sa pamamalimos umaasa silang mairaraos ang kanilang pangangailangan araw-araw.

Handa naman daw silang sumunod sa mga protocol para matiyak na ligtas sa COVID-19 ang kanilang mga pasahero.

Nakiisa rin sa panawagan ng mga tsuper ang ilang grupo.

“Habang pinapalakas ang panawagan sa isang pangmasang public transit sa bansa, kailangan natin suportahan ang available means ngayon para ang commuters na balik-trabaho ay may masakyan,” ani Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago.

Handa naman daw ang Metro Manila Council na irekomenda sa coronavirus task force ng bansa ang pagbabalik-pasada ng mga tradisyunal na jeep, lalo na kung hindi sasapat ang mga pampublikong sasakyang bumibiyahe ngayon.

“Ang magiging recommendation ng MMC by area din po yan. Kung wala talagang umiikot na modern jeepneys, kailangan din po natin mag-operate ng traditional jeep. Hirap na hirap na rin ang ating mga empleyado na makapasok sa trabaho,” ani MMC chair Edwin Olivarez.

Sa ngayon, wala pa ring petsa kung kailan muling makakapasada ang mga tradisyunal na jeep.

Aasa na lang muna silang makikita ng gobyerno ang kanilang kalagayan at pakikinggan ang kanilang kahilingan.

— Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.