Hepe ng police station sa Zamboanga del Norte, tiklo sa pangingikil

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2020 02:28 AM

Timbog si Police Cpt. Haran Ulah, hepe ng Godod Municipal Police Station sa Zamboanga del Norte, matapos umanong mangikil sa isang treasure hunter. Kuha ng PNP-IMEG

GODOD, Zamboanga del Norte — Arestado ang hepe ng Godod Municipal Police Station sa Zamboanga del Norte dahil sa pangongotong matapos ang entrapment operation ng mga awtoridad sa bayan na ito Huwebes ng hapon.

Hinuli si Police Cpt. Haran Ulah ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) matapos humingi ng tulong ang biktimang si Jose Abarca.

Humihingi umano sa biktima ang suspek ng P10,000 kapalit ng proteksyon at tuloy-tuloy na operasyon nang isinasagawang treasure hunting sa may Sitio Riverside, sa Barangay Raba.

“Nireklamo po siya ng isa nating citizen diyan na allegedly nanghihingi daw po siya ng pera para kapalit po nito’y ‘yong pagprotect po sa complainant natin sa kanyang treasure hunting po. Itong nakaraang araw po eh tumawag po ulit si Capt. Ulah para i-remind po ‘yong hinihingi niya na pera po,” ani Police Cpt. Mae Ann Cunanan, information officer ng PNP-IMEG.

Inaresto si Ulah matapos nitong tanggapin ang iniabot na P5,000 na marked money bilang paunang bayad ni Abarca.

“Sana lang sa ating mga kapulisan ay magsilbing aral na lang ‘to sa atin na huwag na tayong gagawa na alam naman nating masama. Sundin na lang natin ‘yong trabaho natin kung ano ‘yong nararapat ‘yong sa sinumpaan nating tungkulin eh ‘yon na lang ang sundin natin,” ani Cunanan.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag si Ulah na sinampahan na ng kasong robbery-extortion at naka-kustodiya na sa Provincial Police Office ng Zamboanga del Norte.

Noong Marso na-assign bilang hepe ng Godod Municipal Police Station si Ulah.