DENR compound na-sanitize na sa gitna ng COVID-19 lockdown

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2020 12:47 PM

DENR Facebook page

MAYNILA - Nasanitize na ang buong compound ng Department of Environment and Natural Resources sa Visayas Avenue sa Quezon City habang naka-isolate pa ang 2 empleyado nito na tinitiyak pa ang resulta ng COVID-19 test. 

Sabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda nitong Sabado, nag-sanitize sa environment office matapos lumabas sa rapid test na positibo ang 2 sa COVID-19.

Ang isa sa mga ito ay nag-negatibo naman sa confirmatory test at ang isa ay hinihintay pa ang resulta ng RT-PCR (reverse transcription-polymerase chain reaction) test.

“Although naka-lockdown tayo, sabi ng kalihim, personal niyang pinangasiwaan ito kahapon, siya mismo nagpa-sanitize sa buong compound, ‘di lang building ng Environment Management Bureau kundi 'yung buong compound ng DENR,” ani Antiporda.

Sa virtual Laging Handa presser ng pamahalaan, binanggit ni Antiporda parehong naka-isolate pa ang dalawang empleyado. 

“'Yung isa pang hindi pa lumalabas ang PCR test nasa medical facility. 'Yung isa naman naka-quarantine naman kahit negative siya sa PCR,” sabi nya.

Aniya, lahat ng empleyadong nakasalamuha ng dalawa ay naka-home quarantine habang hinihintay ang resulta ng PCR test. 

Dagdag ni Antiporda na tuloy pa rin ang trabaho sa EMB dahil 95 percent ng operasyon nito ay online na.

“Wala pong dapat ipag-alala ang ating taumbayan, tuloy po ang operasyon kahit naka-lockdown ang ating opisina,” sabi niya.