Construction worker tiklo sa Naga buy bust; P6.8-milyong halaga ng 'shabu' nasamsam

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2020 05:26 PM

May P6.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa suspek. Mylce Mella, ABS-CBN News

NAGA CITY – Aabot sa P6.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng awtoridad sa isang buy-bust operation sa Brgy. Triangulo dito sa siyudad Biyernes ng hapon.

Ayon kay Dennis Benitez, Provincial Director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Sur, arestado ang hindi pinangalanang suspek na galing pa ng Daet, Camarines Norte.

Pumayag anya ito na ibenta sa kanilang asset ang nasa P2 milyong halaga ng shabu.

“Almost a week na po ito na dini-deal ng tropa namin sa tulong ng aming informant. Then, kahapon na-deal naming siya ng worth P2 million po. Nabilihan namin siya ng isang kilo na shabu,” ani Benitez.

Pero nakuha pa sa suspek ang dalawang malalaking supot na naglalaman ng nasa isang kilo ng pinagbabawal na droga.

“Malakihan siya magbili, kumbaga sanay na siyang mag-deal ng ganon kalalaki. Almost buong Cam Norte, Camarines Sur pinapasok niyang area kaya napakalaking bagay na nahuli po namin siya,” dagdag ni Benitez.

Dati nang nakulong ang 39 anyos na suspek noong 2017 dahil din sa ilegal na droga pero noong nakaraang taon ay nakalaya ito.

Huli itong nagtrabaho bilang construction worker sa Naic, Cavite, pero tuluyan ding bumalik sa pagbebenta ng ilegal na droga.