Bagong guidelines sa pagkuha ng PWD ID, inilabas ng QC

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2020 10:14 AM

MAYNILA - Naglabas na ng bagong guidelines para sa pagkuha ng person with disability o PWD ID ang lokal na pamahalaan ng Quezon City. 

Ito'y sa gitna ng kontrobersya sa paggamit umano ng mga PWD ID ng mga wala namang kapansanan para lamang makakuha ng diskuwento sa mga restoran at iba pang serbisyo.

Sa inilabas na Memorandum Circular No. 16 ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, bukod sa mga requirement na medical certificate, 2x2 picture, proof of residence na sa naturang lungsod nakatira at pirma o thumbmark sa bond paper, ngayon ay kailangan na ring ipa-verify sa QC government-owned hospital ang kapansanan ng isang nag-aaply kapag non-apparent o hindi halata ang disability nito. 
 
Makipag-ugnayan muna sa opisina ng QC Persons with Disability Affairs Office (QC-PDAO) para maipa-schedule sa mga government-owned hospital ng lungsod ang pagpapa-verify ng kapansanan. 

Kapag naman apparent o kapansin-pansin ang disability ng nag-aapply, hindi na kailangan ng verification pero kailangan nitong magpasa ng whole body picture na nagpapakita ng kapansanan nito. 

Kikilatisin na rin ng mabuti ng QC-PDAO ang mga aplikasyon na may iisang address o kaya ay mula naman sa iisang pamilya. 

Sasampahan naman ng pamahalaang lungsod ng kaukulang kaso tulad ng falsification of public documents at estafa ang sinumang mahuhuling gumagamit ng pekeng PWD ID. 

Kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act naman ang isasampa laban sa mga mapapatunayang fixers o 'yung mga nag-iisyu ng mga PWD ID kahit sa mga walang kapansanan. 

Matatandaang kumalat sa social media ang pagkakaroon ng PWD IDs ng magkakamag-anak kahit wala namang mga kapansanan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.