1 million COVID-19 testing target malapit nang maabot: Vergeire

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2020 02:21 PM

MAYNILA - Naniniwala ang Department of Health (DOH) na maaabot ng bansa ang target nitong 1 milyong test para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa susunod na buwan. 

Ito'y sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa habang niluwagan na ang quarantine levels.

“Na-expand na natin ang protocol, we are seeing na maa-attain na natin ang 1 million na ito pagdating ng end of July,” pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire. 

Ayon kay Vergeire, ang intensiyon ng pag-expand ng protocol ay para maumpisahang ma-test ang iba pang subgroups bukod sa medical frontliners. 

Kabilang dito ang mga tauhan sa quarantine facilities, mga barangay health emergency workers, personnel ng Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology, at social workers. Nais din ng gobyerno na lawakan ang testing para maisama ang mga may sakit, mga preso, at mga dumaraan sa dialysis, chemotherapy, at radiotherapy.

Sa virtual presser na Laging Handa, sinabi ni Vergeire na mayroon nang mahigit 600,000 ang naisagawang COVID-19 tests sa buong bansa mula nang mag-umpisa ang pandemya. 

“Hindi naman natin sinasabi na mass teting na 'yung ginagawa natin. This is still expanded testing, binabatay natin 'yan sa mga high-risk groups na ating pina-prioritize for testing,” dagdag niya. 
 

Ang pagtaas ng testing capacity ng isang bansa ay nakatutulong sa containment ng sakit. Kung matutukoy ang mga may COVID-19, maa-isolate ang mga ito at hindi na makahahawa pa.

Nauna nang sinabi ng gobyerno na target ma-test ang di bababa sa 2 porsiyento ng populasyon o halos 2 milyon. 

Magugunitang sinabi ni Vince Dizon, deputy chief implementer ng pagtugon ng pamahalaan sa pandemya, na dumating na ang higit 1 milyong COVID-19 test kits sa bansa noong Hunyo 21. 

Sabi ni Vergeire na ilalaan ito base sa listahan ng alokasyon na ginawa ng Department of Health at gayundin sa pangangailangan at populasyon ng bawat rehiyon. 
 
“May special focus tayo sa mga areas na medyo tumataas ang kaso para mas makapag-test sila ng kanilang communities,” dagdag niya. 

Base sa tala ng DOH nitong Biyernes, umabot na sa 34,073 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19, kung saan 9,182 sa mga ito ang gumaling na at 1,224 naman ang mga nasawi.