PatrolPH

VIRAL: Motorista hinarang, kinikilan ng palaboy sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 05:08 PM | Updated as of Jun 27 2019 08:16 PM

Watch more on iWantTFC

Nag-viral sa social media ang video ng isang motoristang hinarang at pilit hiningan ng pera ng isa umanong taong kalsada sa kahabaan ng EDSA sa Mandaluyong City. 

Nangyari ang insidente alas-5:10 ng hapon noong Martes, ayon sa driver na si Mane Teodoro.

Ayon kay Teodoro, mabigat ang daloy ng trapiko sa EDSA nang biglang sumulpot sa harapan ng kanilang sasakyan ang umano ay taong kalsada na nanghihingi ng pera.

Sumesenyas umano ang palaboy na babatuhin ang sasakyan kung hindi raw siya aabutan.

Magbibigay sana si Teodoro ng barya pero gusto raw ng lalaki na P100 ang ibigay rito.

Naging marahas ang lalaki nang tanggihan siyang bigyan ng P100, ani Teodoro.

Tinangka ng lalaking ipasok ang kamay sa salamin pero inipit ito ni Teodoro.

Kahit umano nakaipit ang kamay, pinupukpok umano ng lalaki ng bato ang windshield saka ginasgasan ang sasakyan.

Humarurot si Teodoro at naghanap ng enforcer na mapagsusumbungan.

Tinangka ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority na habulin ang lalaki — na nakitang gumagamit umano ng solvent — pero nakatakas ito.

Nasa 6,237 street dwellers ang nasagip mula Enero hanggang Mayo ngayong taon, ayon sa datos ng MMDA, pero ang ilan sa kanila ay bumabalik sa pagiging palaboy. 

"'Yong iba kine-claim ng mga magulang, sa susunod na mga araw mapapabayaan sila ulit," ani MMDA Assistant Secretary Celine Pialago.

Ipinayo ni Pialago sa mga motorista na sakaling maharap sa parehong sitwasyon, tumawag sa MMDA hotline o bumusina nang malakas para makatawag ng pansin.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.