Truck umararo sa 2 motorsiklo sa C5; 1 patay

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 10:49 AM | Updated as of Jun 27 2019 08:30 PM

(UPDATE) Isa ang patay at isa ang sugatan matapos araruhin ng mixer truck ang 2 motorsiklo sa northbound lane ng C5 Bagong Ilog flyover sa Pasig City, Huwebes ng umaga. 

Sa ulat ng Eastern Police District, kinilala ang biktimang si Police Cpl. Arvi Jenifer Leaño, 33, na nakadestino sa District Mobile Force Batallion ng kanilang hanay. 

Sakay ng kaniyang motorsiklo si Leaño nang masagi ng mixer truck. 

Nasagasaan ng truck ang ulo ng biktima at nagkalasog-lasog ang ilang parte ng kaniyang katawan.

Sugatan naman ang isa pang rider ng motorsiklo na nahagip din ng mixer truck.

Sa isang pahayag, sinabi ng Megawide, na kompanyang nagmamay-ari ng trak, na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad sa pag-iimbestiga ng insidente. 

Nakikipag-ugnayan na rin ang kompanya sa pamilya ng mga biktima at tiniyak nilang magbibigay sila ng tulong kung saan kinakailangan. 

"Megawide commiserates with the families of those involved and ensures assistance where necessary," anila. 

Nakadetene na ang drayber ng trak na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and multiple injuries with damage to property. 

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.