Palasyo kumambiyo sa pagpayag sa Chinese fishermen sa EEZ

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 08:16 PM | Updated as of Jun 27 2019 10:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kumambiyo ang Malacañang sa kanilang unang pahayag ukol sa kanilang posisyon na maaaring mangisda ang mga Chinese sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa South China Sea. 

Kasunod ito ng pag-ani ng batikos ng unang posisyon ng Malacañang nitong Martes na pinapayagan nila ang mga Chinese na mangisda sa EEZ ng Pilipinas sa pinag-aagawang karagatan sa ngalan ng pagkakaibigan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, wala namang direktang sinabi si Pangulong Rodrigo Duterte na pinapayagan na niya ang mga Tsino na mangisda sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. 

Tingin din ni Panelo na "na-misinterpret" lamang ang pahayag ng pangulo. 

"Talagang ang ibig niyang sabihin 'I don’t think China would go fishing there.' 'Why, sir?' 'Because we are friends.' Kaya ang dating sa—ang intindi natin eh iba, baligtad. O kaya ang daming nag-react tuloy. 'Oh, that’s unconstitutional,’” ani Panelo sa press briefing ng Malacañang. 

Ayon pa kay Panelo, hindi pa naman daw napapatunayan kung ang sasakyang pandagat ng mga Chinese na nagpalubog sa F/B GEM-VER 1 ay nangingisda nga sa lugar o simpleng napadaan lang. 

Pinagtanggol din ng Palasyo ang pangulo sa mga nagsasabing maaaring mapasibak sa puwesto si Duterte sa kaniyang mga pahayag.

“O eh di mag-file (ng complaint), di ba? But you cannot stop the President from doing measures, steps that to his mind is the correct way to obey the constitutional command to him to protect and to serve the Filipino people,” ani Panelo. 

Sa kanyang speech sa anibersaryo ng Presidential Security Group kagabi, sinabi ni Pangulong Duterte na ito ay dahil sa naunang kasunduan nila ni Chinese President Xi Jinping noong 2016 na magbigayan ang dalawang bansa pagdating sa pangingisda sa EEZ ng Pilipinas.

Ayon pa kay Duterte, kapalit ito ng pagpayag noon ng Tsina na muling makapasok at mangisda ang mga Pilipino sa Panatag Shoal.

Matatandaang simula 2012 ay pinaghigpitan na ng mga Tsino ang mga Pilipino sa lugar, kahit na malinaw na bahagi ito ng EEZ ng Pilipinas.

"Kasi sabi ko, tanong sila, 'Will you allow the Chinese to fish?' Sabi ko, 'Of course. 'Yan ang pinag-usapan namin noon, kaya tayo nag-uusap eh. And that was we were allowed to fish again. It was a mutual agreement. Sige bigayan tayo. Fish ka doon, fish ako dito," ani Duterte.

Binanatan naman ni Duterte si Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio na nagsabing malinaw na paglabag sa Konstitusyon ang kaniyang pahayag. 

Para kay Duterte, pinagtutulakan lang umano siya ng kaniyang mga kritiko na magsimula ng giyera kontra Tsina. 

"Ang problema nito ngayon, itong mga ---Justice Carpio. Sabi ko nga, alam mo Justice Carpio, napaka-estupido mo. That is why hanggang diyan ka lang talaga," ani Duterte. 

"Ngayon, sabi nila, 'you have to ban China. I-prohibit mo.' Kung i-prohibit ko, how do I enforce my desire? Takot nga ang America, ayaw ngang mag-confront tapos ako pa ang ipusta nila. Gusto talaga nilang mapasubo ako."  

Watch more in iWant or TFC.tv

Ipinaalala ni Maritime Law Expert na si Jay Batongbacal na bawal sa Saligang Batas at ng Philippine Fisheries Code na mangisda ang mga banyaga sa katubigan ng Pilipinas, kabilang ang 200 nautical miles na EEZ. 

Nasa EEZ ng Pilipinas ang Reed Bank, kung saan nabangga ng Chinese vessel ang bangka ng mga mangingisdang Pilipino. 

"Sobra na po iyan na papayagan niya ang talagang mali at bawal sa Saligang Batas at sa sarili nating batas. Dapat siguro ang taumbayan ay magtanong-tanong sa kanilang sarili kung sila ay papayag (sa) ganitong klaseng patakaran: Napakalinaw na mali. Paano mo pa itatama iyan? Hindi puwede talaga,” ani Batongbacal. 

Ayon pa kay Batongbacal, pinalalakas ng pahayag ng Pangulo ang loob ng Tsina dahil lumalabas na isinasantabi raw ni Duterte ang naipanalong kaso ng Pilipinas sa Hague Tribunal Court kontra Tsina noong 2016. 

"Maaari pong mangyari iyon na hindi lang sa Scarborough Shoal at Recto Bank kundi lahat na rin ng natitirang area. Baka umabot na sila sa dalampasigan ng Pilipinas kung ganyan. Kasi walang restraint e. At ang mismong Presidente ng Pilipinas na dapat nag-i-impose ng batas, siya mismo ang nagsasabing, 'Sige wag na nating pansinin ang batas,'" ani Batongbacal. 

Paniwala naman ni dating Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario na maaaring maging batayan ang pahayag ni Duterte para ma-impeach siya. 

"The Constitution states that the president and the military must secure the national territory. And the national territory includes the exclusive economic zone. To violate that is really a basis for impeachment of the president," ani Del Rosario. 

Ayon sa ilang fish vendor sa Agora Market, nababawasan at nagmamahal na rin ang presyo ng kanilang isda at tingin nilang may epekto ang pagpapangisda ng mga Chinese sa EEZ. 

"Hindi maganda para sa amin kasi unang-una, halos wala nang kalakal na makuha 'tsaka po pangalawa ang laki nang tinaas kaya mas maganda na tayo lang na Pilipino para dagsa ang mga isda at mas mura," ani Lormie Moreno. 

Pero wala namang nakikitang problema si Senate President Tito Sotto sa naging pahayag ni Duterte na hayaang mangisda ang mga Tsino sa karagatan ng bansa, na binatikos ng ilan. 

"It's very difficult to say that there is exclusivity when it's under water. The fish could be coming from China and the fish from the Philippines could be going to China," ani Sotto. 

Nabatikos ang pahayag ni Sotto pero aniya, hindi dapat sineseryoso ang kaniyang sinabi at kaunti lang ang nakaintindi sa kaniya. 

--Ulat nina Pia Gutierrez at Willard Cheng, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.