Negosyanteng may P555-K donasyon sa Kapa, nagreklamo

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 03:17 PM | Updated as of Jun 27 2019 03:40 PM

GENERAL SANTOS CITY – Pormal na naghain ng reklamo nitong Miyerkoles ang isang negosyante sa National Bureau of Investigation para mabawi ang higit sa kalahating milyong donasyon sa Kapa Community Ministry International.

Ayon kay alyas Juan, ilang araw na siyang problemado dahil baon na siya ngayon sa utang matapos na i-donate ang P555,000 na pera sa Kapa.

Kuwento niya, ibinenta niya ang kaniyang mga sasakyan at nangutang para may mai-donate sa Kapa.

Nakumbinse siyang magreklamo sa NBI-Sarangani District Office (SARDO) dahil gusto niyang maibalik ang kaniyang donasyon sa tulong ng naka-freeze na bank accounts ng kanilang founder na si Pastor Joel Apolinario.

Sa report ng Securities and Exchange Commission, aabot din ito sa mahigit P100-milyon.

Una nang nanawagan si Apolinario sa kaniyang mga miyembro na huwag pumirma sa anumang mga dokumento mula sa NBI at maging sa Department of Interior and Local Government.

Sabi naman ni Juan, nawalan na umano siya ng tiwala kay Apolinario na nagtatago ngayon dahil sa mga banta sa kaniyang buhay.

Umapela naman si Juan sa kaniyang mga kasamahan sa Kapa sa irespeto ang kaniyang karapatang magreklamo.

Ayon sa NBI-SARDO, si Juan na ang ikalimang miyembro ng Kapa na naghain ng pormal na reklamo. Inaasahan umano nila na marami pa ang dadagsa sa kanilang tanggapan sa mga susunod na araw para bawiin din ang kanilang donasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.