May-ari ng kompanyang sangkot umano sa investment scam, timbog sa Surigao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 03:12 AM | Updated as of Jun 27 2019 08:48 AM

TAGUM CITY, Davao del Norte—Arestado sa Surigao del Sur Miyerkoles ng madaling-araw ang chief executive officer ng isang kompanya na umano'y sangkot sa investment scam. 

Nahuli ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek na nagtatago sa isang bahay sa bayan ng Barobo.

Nakatanggap ang NBI ng halos 200 reklamo laban sa Titan 29 Marketing matapos silang pangakuan nito na madodoble ang kanilang pera sa loob ng 5 araw.

Itinanggi ng suspek na siya ang may-ari ng kompanya at sinabing may financier ito.

Napag-alaman ng ABS-CBN News na nasa P1 bilyon ang perang hindi pa naibabalik sa mga investor. Nitong Mayo lang nagsimulang mag-operate ng kompanya.

Nakatakdang sasampahan ng kasong large-scale estafa ang suspek. — Ulat ni Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.