Mananahi patay, vendor sugatan sa pamamaril sa Antipolo City

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 04:24 PM | Updated as of Jun 28 2019 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isa ang patay habang isa pa ang sugatan sa pamamaril ng riding-in-tandem sa Antipolo City noong Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang napatay na si Joel Malapo, isang mananahi, at ang sugatan naman ay si Johnrel Elpanag, isang banana vendor.

Nangyari ang pamamaril sa labas ng isang drug store sa Barangay San Roque, pasado 8:30 ng gabi.

Ayon sa pulisya, nakatayo sa labas ng tindahan si Malapo nang dumating ang motorsiko, tsaka ito pinagbabaril. Tinamaan din ang katabi niyang si Elpanag.

Naitakbo pa sa ospital ang mga biktima, pero si Malapo ay namatay din matapos ang ilang oras.

Kinailangan namang operahan si Elpanag. 

May anggulo at person of interest nang tinitingnan ang mga pulis.

Sabi ng pulisya, si Elpanag talaga ang target ng mga salarin. 

"Itong si Malapo susundo lang ng girlfriend niya. Namatay siya dahil sa tama ng baril sa pantog. Ang isang biktima naman, si Elpanag... siya 'yung lumalabas na target dito," sabi ni Police Col. Lou Evangelista, direktor ng Rizal Provincial Police.

"Tinitingnan natin deeper ang anggulong jealousy at love triangle," dagdag niya.

Narekober ng mga pulis ang 3 basyo ng bala at isang helmet sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy din ang pagkuha ng mga CCTV footage sa lugar para makatulong sa imbestigasyon.


—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.