Mag-ina patay sa sunog sa isang QC apartment

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 11:57 PM | Updated as of Jun 28 2019 10:36 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA (UPDATE)—Patay ang isang mag-ina matapos ma-trap sa loob ng kanilang nasusunog na apartment sa Barangay Talipapa, Quezon City Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mag-ina na sina Julieta Bulaon, 70, at anak na si Marissa Leaño, 39.

Ayon kay Aida Abalos, kapitbahay ng mga biktima, nakarinig na lang sila na may sumigaw na sunog pasado alas-9:30 ng gabi.

"Paglabas namin malaki na ang sunog bigla. Tapos ayun kumislap na," aniya.

Itinaas sa unang alarma ang sunog bago mag-alas-10 ng gabi at naapula ito makalipas ang 30 minuto.

Na-trap sa loob ng apartment ang mga biktima na 5 taon na umanong nangungupahan doon.

"Tulog sila. Tapos noong biglang lumaki ang apoy, hindi nila namalayan," ani Fire Chief Insp. Joseph del Mundo ng Bureau of Fire Protection (BFP) Quezon City.

Dagdag ni Del Mundo, hindi rin umanong nakakalakad si Bulaon dahil bedridden na ito.

Nakaligtas naman ang 12-anyos na babaeng anak ni Leaño na tumalon sa likurang bintana. Nasa trabaho ang asawa ni Leaño nang mangyari ang insidente.

Nasugatan din ang 4 na kapitbahay na tumulong sa pag-apula ng sunog.

Base sa inisyal na imbestigasyon, naiwang kandila ang itinuturong sanhi ng sunog.

"Wala silang kuryente mula pa noong June 25. Naputulan sila kaya nagkakandila lang sila. Posibleng 'yun ang pinagmulan ng sunog," ani Del Mundo.

Tinatayang nasa P50,000 ang danyos ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.