Magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng ilang brand ng gatas, kape, at patis, ayon sa opisyal mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, pinayagan na ng kanilang ahensiya ang dagdag-presyo pero hindi pa ito maaaring ipatupad dahil hindi pa nailalathala sa mga pahayagan ang mga bagong presyo.
Simula kalagitnaan ng Hulyo pa puwedeng ipatupad ang mga bagong presyo, ani Castelo.
Naglalaro sa P0.50 hanggang P2 kada lata ang dagdag-presyo sa mga brand ng gatas na Alaska, Alpine, Carnation, Cow Bell, at Liberty.
Nasa P0.50 hanggang P0.85 naman ang iminahal ng kada pakete ng Lorins Patis.
Tataasan naman ng P1 ang kada pakete ng Kopiko Black 3-in-1 na kape.
Ipinaliwanag din ni Castelo na kada quarter o kada 3 buwan na lang puwedeng magbago ng suggested retail price.
Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, dapat idaan sa public consultation ang mga susunod na galaw sa presyo ng mga bilihin.
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, bilihin, konsumer, #PricePatrol, kape, gatas, patis, suggested retail price, Department of Trade and Industry, Laban Konsyumer