Houseboy 'tumangay' ng P500,000, gamit sa bahay ng amo

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 04:48 PM | Updated as of Jun 27 2019 07:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ang isang houseboy matapos umanong looban ang bahay ng kaniyang amo sa Barangay Mambog 1 sa Bacoor City, Cavite.

Kinilala ang suspek bilang si Roland Mendez, na isang buwan pa lamang naninilbihan sa kaniyang among si Ronnel Tuazon.

Ayon kay Tuazon nitong Huwebes, inihabilin niya kay Mendez na bantayan ang kanilang bahay dahil may dadaluhan silang overnight event sa Rizal noong Hunyo 15. Pero pagbalik nila kinabukasan ay nawawala umano si Mendez.

Nang suriin ang CCTV, nakita umano ang suspek na kumuha ng dalawang sapatos ng kaniyang among lalaki sa isang shoe cabinet.

Tinangay rin umano ng suspek ang cash na pinagbentahan sa online business ng misis ng biktima.

Aabot sa halos P500,000 ang halaga ng pera, alahas, relo, at baril ang tinangay umano ng suspek.

"Gusto ko lang sana mahabol pa 'yong nakuha sa amin na mga importanteng bagay pati 'yong may sentimental value sa amin ni misis," ani Tuazon.

Nakakandado ang bahay ng pamilya Tuazon at hiwalay ang tulugan ng houseboy pero nagawa umano nitong makapasok sa pamamagitan ng pag-akyat sa bubong at pagdaan sa bintana sa ika-2 palapag ng bahay.

Kinasuhan na ng qualified theft si Mendez.

Nagpaalala naman si Bacoor police chief Police Lt. Col Vicente Cabatingan na maging maingat sa pagkuha ng houseboy.

Handa ring magbigay ng pabuya ang pamilya sa makapagbibigay ng impormasyon para maaresto ang suspek.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.