Fish vendor patay sa pamamaril sa South Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 04:25 AM

POLOMOLOK, South Cotabato—Patay ang isang fish vendor matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa bayang ito Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rudy Pasandalan na nagtamo ng tama ng bala sa ulo.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang biktima kasama ang kaniyang pamilya sakay ng tricycle.

Pagdating nila sa kanto papasok sa kanilang bahay, biglang binaril si Pasandalan ng 2 hindi pa kilalang salarin na sakay ng itim na motorsiklo.

Agad na dinala sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Kuwento ng ilang testigo, nakasuot ng face mask ang mga salarin habang walang nakalagay na plaka sa motorsiklo.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa pamamaslang. —Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.