Erap ipinagmalaki ang mga nagawa bilang alkalde ng Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 01:45 AM

MAYNILA—Sa kaniyang valedictory message at huling state of the city address, ipinagmalaki ni outgoing mayor Joseph "Erap" Estrada ang mga nagawa sa 2 terminong pag-upo bilang alkalde ng Maynila.

Kabilang dito ang pagbabayad ang P4.4 bilyong utang ng lungsod na kaniyang dinatnan nang unang umupo bilang mayor noong 2013.

Marami rin umano siyang maiiwang magandang programa at proyekto para sa mga Manileño.

Inamin din ni Estrada na hindi niya akalaing hanggang 2 termino lamang ang itatagal niya bilang alkalde dahil mainit naman ang pagtanggap sa kaniya ng mga Manileño. Gayunpaman, tanggap niya umano ang pagkatalo at tiniyak ang smooth transition kay incoming mayor Isko Moreno.

Ipinagdiwang din ang 50 taon sa gobyerno ni Estrada mula nang maging mayor ng San Juan, senador, bise presidente, pangulo, at Manila mayor.

Dumalo rin sa pagtitipon ang kaniyang anak na si dating senador Jinggoy Estrada at senador Bong Revilla.

—Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News