Domestic helper sa Saudi Arabia, binugbog umano ng recruitment agency

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 01:41 AM | Updated as of Jun 27 2019 06:57 AM

Binugbog umano ang isang domestic helper sa Saudi Arabia ng empleyado ng foreign recruitment agency nito.

Dumating si Evalyn Calma, mula bayan ng Dingras, Ilocos Norte, sa Saudi noong Mayo 19 pero bumalik din ng bansa noong Hunyo 12.

Ayon kay Calma, binugbog siya ng isa sa mga empleyado ng recruitment agency nila sa Saudi noong Mayo 27.

Ito'y matapos siyang isumbong ng kaniyang amo na hindi raw niya ginagawa ang kaniyang trabaho at kinukuhanan niya ng mga larawan ang mga anak nito. Itinanggi naman ito ni Calma.

“Inilagay ako sa isang kwarto at binalibag ako ng 3 beses sa sofa," aniya.

Ipinost ni Calma ang kaniyang karanasan sa social media. Makikita sa mga larawan niya ang malalaking pasa sa kaniyang kanang braso.

Ang post na ito ay naging susi para matulungan siya ng isang advocacy group at maiparating ito sa mga awtoridad. Pansamantala siyang tumuloy sa bahay-kalinga sa Saudi.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration, hindi lamang ang foreign recruitment agency ang mahaharap sa recruitment violation kundi pati ang local agency na nag-recruit kay Calma.

“Pwede mag-file ng complaint ang worker sa POEA on the ground of recruitment violation. Kung ano kasi ang kasalanan ng foreign agency ay jointly in solidarity reliable din ang local agency," ani Loreta Vergara, regional welfare assistant unit head ng OWWA—Ilocos region.

Bibigyan din ng OWWA ng livelihood assistance si Calma.

Paalala ng OWWA sa mga domestic worker at pamilya ng mga ito na ilista ang contact number ng kanilang recruitment agency, OWWA at POEA at tawagan ito kung may problema o pang-aabuso sa mga ito.

Tiyakin ding rehistrado ang recrutiment agency at may job order ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.