2 bata, 3 iba pa patay sa magkahiwalay na aksidente sa Cotabato

Arriane Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 09:01 PM

Lima ang patay, kabilang ang 2 bata, sa magkahiwalay na aksidente sa Cotabato Martes ng gabi.

Sa bayan ng M'lang, dead on the spot si Conchita Buenaventura matapos mabangga ng isang van sa Barangay New Rizal.

Kasama ni Buenaventura nang maaksidente ang kaniyang 2 pamangkin na kapwa menor de edad at ang drayber ng motorsiklo na si Efren Pagdato.

Sugatan ang 9 na taong gulang na si Jay Cabana, habang binawian din ng buhay si Pagdato at ang 3 anyos na si Ken Nathaniel Fuentes.

Isinisi ng pamilya ng mga biktima ang nangyari sa drayber ng van na tumakas matapos ang aksidente.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, nakunan sa isang CCTV sa lugar ang van na nakasagasa umano sa mga biktima.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

Sa bayan naman ng Carmen, patay ang mag-inang Villarona Librando at anak nitong si Bernadette nang magkasalpukan ang sinasakyan nilang motorsiklo at isa pang motor.

Sugatan din sa aksidente si Jimmy Librando.

Payo ng awtoridad ang ibayong pag-iingat sa pagmamaneho sa kalsada.

Mula Enero nitong taon hanggang sa kasalukuyan, aabot na sa 391 na aksidente sa kalsada ang naitatala sa buong lalawigan ng Cotabato.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.