14 huli sa drug den at pasugalan sa Taytay

ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2019 05:39 PM | Updated as of Jun 27 2019 08:09 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog ang 14 na tao sa isa umanong drug den at pasugalan sa Taytay, Rizal na pinapatakbo ng dalawa sa mga nahuli. 

Kinilala ng Taytay Municipal Police ang dalawang may-ari ng bahay na sina Alvin Macabuhay at Lucy Fidel, live-in partners.

Ayon kay Police Lt. Col. Christopher dela Peña, hepe ng Taytay police, nakatanggap sila ng ulat na ginagawang drug den at pasugalan ang 3 palapag na tahanan nina Macabuhay at Fidel. 

"Ang unang palapag, ginagawang taryahan. 'Yung second floor, 'yun 'yung tinitirahan ng live-in partner niya na gumagamit din. Iyung third floor, 'yun yung mga parokyano na AUV at tricycle driver na du'n na nagsusugal at gumagamit ng droga," ani Dela Peña.

Narekober sa lugar ang 10 sachet ng shabu na may halagang P60,000. 

Nakumpiska rin ang mga drug paraphernalia at ilang kagamitan sa pagsusugal. 

Inamin ni Macabuhay na nagawa niyang pumasok sa kalakaran ng droga dahil sa kahirapan. 

"Sa pangangailangan lang po eh. Wala akong trabaho," ani Macabuhay.

Karamihan ng mga nahuli sa operasyon ay mga tsuper na noo'y nasa kalagitnaan ng pagsusugal. 

Kinasuhan ang mga naaresto ng mga reklamong illegal gambling at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.