Nanalong kagawad sa ComVal patay sa riding-in-tandem

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2018 02:56 PM

Pinagbabaril ng di pa kilalang salarin si Barangay Kagawad Omar Escobar Macusang habang sakay ng pick-up at kasama ang pamilya sa bayan ng Maco sa Compostela Valley.

MACO, Compostela Valley – Patay ang isang bagong halal na barangay kagawad matapos tambangan ng mga di pa kilalang salarin na nakamotorsiklo, Martes ng tanghali sa bayang ito.

Nakasama pa sa mass oath taking ng mga nanalong opisyal ng barangay si Kagawad Omar Escobar Macusang sa gym ng bayan.

Pagkatapos nito ay umalis sakay ng kaniyang pick-up si Macusang para mananghalian kasama ang asawa at 9 na buwang gulang na anak. 

Tinambangan sila ng riding-in-tandem sa bungad ng Binuangan Bridge sa Barangay Poblacion.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakalabas pa ng sasakyan si Macusang kahit may tama na ng bala para iligtas ang kaniyang mag-ina pero nilapitan siya ng gunman at binaril ulit hanggang sa mamatay.

Natalo noong unang tumakbo bilang kagawad ng Barangay Pangi si Macusang pero pinalad sa pagtakbo niya muli sa katatapos lamang na barangay elections nitong taon. 

Kabilang sa tinitingnang anggulo sa imbestigasyon ay personal o may kaugnayan sa trabaho pero hindi pa rin inaalis ang pulitika bilang motibo sa pagpaslang sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.